Sa isang meeting na ginanap noong Hunyo ng mga officers ng GuhitPinoy Dubai ay napagkasunduan na gawin nang GuhitPinoy UAE ang opisyal na pangalan ng samahang ito. Ito ay sa isang simpleng kadahilanang inaabangan po natin ang paglago ng grupo sa labas ng Dubai. Sa katunayan ay may mga miyembro na po tayong naka base sa Sharjah at isa nga po dito ay ang ating Treasurer na si Jeff Quinones. Samantala sa Abu Dhabi naman ay ang inyong lingkod na may halos dalawang taon na ring naninirahan dito.
GuhitPinoy UAE na!!! Opo at dito natin sisimulan sa pangalang ito ang pagtaguyod sa isa sa pinakamalaking Art Organization sa bansang ito ng UAE. Bagamat gaya ng prinsipyong nais ibahagi ng mga opisyales at core members ng grupong ito... hindi po sa bilang o dami ng miyembro ang basehan ng isang matagumpay at malaking organisasyon kung hindi... "sa mga proyekto at aktibidad na may kaugnayan sa sining at kung paano tayo magiging makabuluhang institusyon sa ating ginagalawang komunidad."
GuhitPinoy UAE na!!! Nais din po ng samahang ito na pag-isahin ang lahat ng mga artistang Pilipino dito sa bansang UAE, hindi lamang sa kanilang lokasyon... (Dubai, Abu Dhabi, Sharjah, Fujairah, Ajman, Ras Al Khaimah at Umm Al Qwain) kundi pati na rin ng ibat-ibang organisasyong Pilipino. Ang GuhitPinoy UAE ay kaisahan ng mga miyembro ng ibat-ibang samahan na may kanya-kanyang linya ng sining. May pintor, iskultor, photographer, designer, modelo, writer, ilustrador atbp.
GuhitPinoy UAE na!!! Ito po ay patuloy na paanyaya sa lahat ng may pusong Pilipino at may pag-ibig sa sining, nagmamahal sa ating kultura at handang ipagmalaki ang pagka-Pilipino. Bukas ito sa lahat ng nais magbahagi ng kanilang talino at galing sa larangan ng sining biswal.
GuhitPinoy UAE na!! Tuloy-tuloy na ang mga aktibidad ng ating grupo kung kaya't lagi po kayong tumutok sa site na ito para sa mga darating pang kaganapan. Ang 1st GPUAE Sketching and Photography Session na ginanap noong nakaraang Biyernes sa Safa Park, Dubai ay isa lamang po sa marami pang nakalinyang proyekto natin. Kung kaya't inaanyayahan namin kayo na patuloy na makihalubilo at makibahagi.
Sa pagkakataong ito ay nais ko pong magpasalamat sa mga dumalo sa nakaraang aktibidad ng GPUAE noong Biyernes. Salamat din sa mga nagbahagi ng pagsasaluhang pagkain. At higit sa lahat maraming salamat sa aming dalawang magagandang binibining modelo na si Abba at Mitch. Sana ay hindi kayo magsawa na ibahagi ang inyong mga angking galing.
Hanggang sa muling pagtitipon mga kaGuhit.